dzme1530.ph

Akusasyong may dating PNP chief na pasok sa payola ng POGO, tinawag na sweeping accusation

Sweeping accusation na itinuturing ni Sen. Ronald dela Rosa ang pahayag ni PAGCOR Vice President for Security retired Gen. Raul Villanueva na mayroong dating PNP chief na tumanggap ng buwanang payola sa POGO Operations.

Ipinaliwanag ni dela Rosa na lahat ng dating PNP chief ay apektado sa akusasyon na hindi pa rin naman validated o kumpirmado.

Tiniyak ng senador na sisingilin niya sa susunod na pagdinig ng Senado si Villanueva at hihilinging pangalanan na ang dating PNP chief.

Dismayado si dela Rosa kung bakit sinabi ni Villanueva ang impormasyon na hindi pa validated at kumpirmado dahil nagmumukha lang itong marites o tsismis.

Kinuwestiyon din ni dela Rosa ang ISAFP kung ganoon talaga ang kanilang produkto na naglalabas ng mga impormasyon na hindi naman validated.

Iginiit pa ni Dela Rosa, ang intelligence community o si Villanueva ang source ng impormasyon kaya dapat ay sila na ang magpatunay at pangalanan kung sino ang dating PNP Chief na kasama sa payola ni Alice Guo.

Idinagdag pa ni Dela Rosa, dapat na i-follow up at i-validate ng husto ang naturang impormasyon dahil kung hindi ay papano pa mapagkakatiwalaan ang gobyerno at sana hindi na lang sinabi kung hindi pa naman sigurado.

Maging ang National Intelligence Coordinating Authority naman ay wala pang impormasyon sa naturang dating chief PNP.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni NICA Director Ricardo de Leon na wala pa silang natatanggap na ganoong impormasyon kasabay ng pagtiyak na kung sakaling makatanggap ay agad nilang iba-validate. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author