Bahagi ng taktika ng China ang akusasyon sa tropa ng pamahalaan na winasak ang fishing nets na inilagay ng mga Chinese fishermen sa Ayungin Shoal.
Ito ang iginiit ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na nagsabing na nais lamang ng China na ibaling ang atensyon ng lahat makaraan ang insidente ng panghaharas at pang-aagaw ng suppliers sa tropa ng Pilipinas.
Nanindigan ang senador na dapat nang itigil ng China ang kanilang iligal, agresibo at mapanlinlang na aksyon sa West Philippine Sea.
Ipinaalala niya na nanonood ang buong mundo at ang kasaysayan na ang huhusga kung sino ang lumabag sa prinsipyo ng kapayapaan, respeto at kooperasyon.
Dapat anyang kondenahin ng buong mundo ang patuloy na pagbalewala ng China sa soberanya ng bansa.
Kasabay nito, tiniyak ng senador na hindi papayagan ng gobyerno ang mga ganitong paratang para dungisan ang reputasyon ng ating mga magigiting na sundalo.
Ang Ayungin Shoal anya ay bahagi ng ating teritoryo at tungkulin ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard na protektahan ito mula sa mga ilegal na mga aktibidad.