Lumobo na sa lima ang kumpirmadong aktibong kaso ng mpox, matapos makapagtala muli ang Department of Health (DOH) ng dalawang panibagong tinamaan ng virus.
Ayon sa DOH, ang dalawang bagong pasyente ay kinabibilangan ng 26-anyos na babae mula sa Metro Manila at isang 12-anyos na lalaki mula sa CALABARZON.
Sinabi ng ahensya na parehong mas mild na Clade 2 variant ang dumapo sa mga pasyente, at hindi ang nakamamatay na strain na nagdulot ng global alarm.
Aug. 20 nang magsimula ang sintomas ng babae na nagkaroon ng rashes sa mukha at likod na sinamahan ng lagnat. Pinayuhan siya ng outpatient clinic na mag-home isolation.
Gayunman, inihayag ng DOH na makalipas ang tatlong araw ay dumami ang rashes ng pasyente sa bahagi ng singit, braso, at bandang tiyan, at nagkaroon din ng sore throat at namaga ang kulani sa leeg.
Samantala, ang 12-anyos na pasyente sa CALABARZON ay nilagnat noong Aug. 10, at nagkaroon din ng rashes sa mukha, binti, bandang tiyan at singit hanggang sa kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, na sinamahan pa ng ubo at pamamaga ng kulani sa singit.
Inihayag ng DOH na kapwa hindi bumiyahe ang dalawang pasyente sa nakalipas na tatlong linggo bago sila makaranas ng mga sintomas, at tila naaayon ito sa nauna nilang findings na mayroong local transmission ng mpox sa bansa. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera