Naniniwala si Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi na kailangang buuin pa ang impeachment court upang talakayin ang susunod na hakbang ng Senado matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na “void from the beginning” ang naturang reklamo dahil nilabag nito ang karapatan sa due process, kaya’t hindi nagkaroon ng bisa o hurisdiksyon ang Senado bilang impeachment court mula pa sa simula.
Iginiit ng Senate leader na mas mainam na pag-usapan ng mga senador ang magiging aksyon kaugnay ng proseso bilang isang legislative body, at hindi bilang impeachment court. Gayunman, sinabi niyang ang pinal na desisyon ay nakasalalay pa rin sa mayorya ng mga miyembro ng Senado.
Sa kanyang personal na pananaw, dapat lamang sundin ng Senado ang ruling ng Korte Suprema dahil ito ang may kapangyarihang magpasya sa mga usaping legal.
Pinabulaanan din ni Escudero ang mga puna na kung tinalakay agad ng Senado ang impeachment complaint noon pang Pebrero ay tapos na sana ito ngayon. Aniya, mas magiging komplikado kung habang nasa kalagitnaan ng paglilitis ay saka maglalabas ng desisyon ang Korte Suprema na walang bisa ang reklamo.