Umaasa si Senate Committee on Tourism Chairperson Nancy Binay na patuloy na makikinig ang mga airline company sa hinaing at rekomendasyon ng publiko para sa pagsasaayos ng kanilang serbisyo.
Ito ay matapos ang desisyon ng Cebu Pacific na alisin na ang expiration date sa travel fund at palawigin ang bisa ng travel voucher ng hanggang 18 buwan simula sa Agosto 1 na ikinalugod ng senador.
Sinabi ni Binay na isa ito sa naging resulta ng isinagawa nilang pagdinig sa Senado kung saan idinulog ang problema sa travel fund at travel voucher.
Binigyang-diin ng senador na unang hakbang pa lamang ito at malaking bagay ang desisyon ng Cebu Pac patunay na nakikinig din sila sa hinaing ng mga pasahero.
Tinukoy din ni Binay ang malinaw na guidelines ng airline ngayon pagdating sa kompensasyon para sa mga naantalang flights.
Sa advisory ng CebuPac, ang mga pasahero na nakaranas ng pagkaantala sa flight operations ay maaaring maka-avail ng “two-way travel vouchers” para sa mga byaheng nakansela sa loob ng 72 oras at “one-way travel vouchers” para sa mga flights na na-delay ng apat hanggang anim na oras.
Umaasa naman si Binay na ang susunod na gagawin ng CebuPac ay ayusin na ang kanilang mga hotlines at customer service. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News