Kinumpirma ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) na naka-order na sila ng mahigit 2,000 artificial intelligence (AI) CCTV cameras para ikabit sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay NNIC General Manager Lito Alvarez, ikakabit ang mga AI CCTV sa mga lugar kung saan matutukoy kung sino ang dapat tulungan at kung sino ang posibleng harangin sa paliparan.
Ipinaliwanag ni Alvarez na sa kasalukuyan, sa tuwing kailangan nilang silipin ang mga kuha ng CCTV, kinakailangan pa nilang humingi ng pahintulot sa Manila International Airport Authority (MIAA), dahilan para maantala ang kanilang aksyon.
Dagdag pa ni Alvarez, kung patuloy na masasangkot sa katiwalian ang ilang airport police sa NAIA, hindi sila mangingiming alisan ng access pass ang mga ito, upang hindi na maulit ang mga kaso ng pang-aabuso, gaya ng mga taxi driver na nananamantala sa mga pasahero.