Nasa Jordan na ang apat na opisyal ng Department of Agriculture (DA), na bahagi ng Philippine delegation na na-stranded sa Israel.
Ginawa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pahayag, kasunod ng ulat na 17 government officials, kabilang ang mga Alkalde, ang na-stranded matapos isara ng Israel ang kanilang airspace sa gitna ng missile attacks mula sa Iran.
Sinabi ni Tiu Laurel na mula sa Jordan ay ililipad ang mga opisyal sa Qatar para sa kanilang flight pauwi ng Pilipinas.
Aniya, inaasahan ang pagdating ng mga opisyal sa Sabado ng ala-5 ng umaga.
Una nang inihayag ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na ang 17 opisyal ay bahagi ng delegasyon para sa study visit tungkol sa dairy farming sa ilalim ng Israeli Government sponsorship.