dzme1530.ph

Agriculture Department, makatitipid ng 20% sa sandaling i-takeover ang konstruksyon ng farm-to-market roads

Loading

Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na makatitipid ng hanggang 20% sa construction costs sa sandaling sila na ang mangasiwa sa pagpapatayo ng mga farm-to-market roads (FMRs) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) simula 2026.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kung papayagan ng Kongreso sa ilalim ng 2026 national budget, maaari nilang gamitin ang matitipid na pondo para sa pagtatayo ng karagdagang mga kalsada.

Layunin ng inisyatibang ito na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mabawasan ang production costs, mapabilis ang pagdadala ng produkto sa mga pamilihan, mapalaki ang kita, at higit sa lahat, mapababa ang presyo ng pagkain.

Ibinunyag ni Tiu Laurel na sa kasalukuyan, ang halaga ng konstruksyon ng isang kilometro ng konkretong dalawang-lane FMR ay umaabot sa ₱15 milyon.

Sa pamamagitan ng internal management ng DA at paggamit ng mga bagong teknolohiya, inaasahan nilang maibaba ito sa ₱12 milyon o mas mababa pa sa pamamagitan ng mga techniques gaya ng paggamit ng soil stabilizers na angkop sa partikular na mga lugar.

About The Author