![]()
Pinuri ng Armed Forces of the Philippines ang pormal na deklarasyon ng Association of General and Flag Officers (AGFO) na tahasang tinatanggihan ang mga panawagang destabilisasyon at muling nagpahayag ng buong tiwala sa pamunuan ng AFP.
Kinabibilangan ang AGFO ng mga retirado at aktibong opisyal ng AFP, PNP, PCG, BJMP, at BFP. Inilabas nila ang “Manifesto of Unwavering Support and Solidarity” bilang tugon sa tinatawag nilang “political noise and agitations” ng ilang sektor na humihikayat sa AFP na kumalas ng suporta sa duly-elected President at Commander-in-Chief.
Sa kanilang pahayag, mariing kinondena ng AGFO ang mga panawagan sa illegal o unconstitutional acts at military adventurism. Iginiit nila ang Article 16, Section 5 ng Konstitusyon na nag-uutos na ang AFP ay dapat malayo sa partisang politika maliban sa karapatang bumoto.
Ipinahayag din ng AGFO ang kanilang buong tiwala sa pamunuan ng AFP at pinuri ang katatagan nito sa pagpapanatili ng pagkakaisa, propesyonalismo, at pagiging tapat sa Konstitusyon.
Ayon sa AFP, ang nagkakaisang tinig ng mga retiradong opisyal at kasalukuyang hanay ay matibay na patunay na nananatiling haligi ng estabilidad at tagapagtanggol ng demokrasya ang sandatahang lakas.
