Nagkaisa ang mga guro at magulang ng mga estudyante ng EMBO barangays na dating sakop ng Makati, para sa agaran at matiwasay na turnover ng lahat ng private at public schools sa lokal na pamahalaan ng Taguig City.
Ito ang nilalaman ng kalatas mula sa Teacher’s Dignity Coalition (TDC), grupo ng mga guro mula sa public at private schools sa Pilipinas, bilang pagrespeto sa pinal na hatol ng Korte Suprema sa 30-year land disputes sa pagitan ng Taguig at Makati.
Maging si Fort Bonifacio High School Faculty Club President Noel Meneses ay umaasang magbabalik na sa normal ang operasyon ng kanilang paaralan, at hangad rin na ipaaalam sa kanila ang status ng turn-over dahil sila ang humaharap sa mga estudyante at magulang.
Sa panig naman ni PTA Federation President Will Rodriguez, payag na umano ang mga magulang na mailipat na sila sa Taguig, subalit dapat na unahin ang maayos na turnover para hindi na magkaroon ng kalituhan.
Para kay Rodriguez, unahin muna ang turnover bago pag-usapan kung sino ang mag-iisyu ng school kits, uniform at iba pang benepisyo sa 14 na eskwelahan sa 10 barangay ng EMBO na tinayang nasa 30,000 na estudyante at 1,500 guro. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News