Dapat nang palagan ng Armed Forces of the Philippines ang mga mapanganib na aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang pahayag ni Defense Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. kasunod ng panibagong insidente ng ramming o panggigitgit at delikadong mga pagmaniobra ng People’s Liberation Army-Navy, China Coast Guard, at Chinese Maritime Militia vessels, na nagdulot ng pagsalpok sa Philippine vessel na nagsasagawa ng routine rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Teodoro, ang mga aksyon ng China ay tumataliwas sa kanilang mga pahayag kaugnay ng “good faith” at “decency”.
Hinggil dito, tiniyak ng Defense Chief na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang tuparin ang mandato sa pag-protekta sa territorial integrity, sovereignty, at sovereign rights.
Sinabi pa ni Teodoro na ang insidente ay dapat nang magbigay linaw sa international community na ang mga hakbang ng China ay nagiging balakid sa kapayapaan at kaayusan sa South China Sea.