dzme1530.ph

AFP, bumubuo ng bagong ROTC Program para mas maging epektibo sa paghahanda ng kabataan sa anumang kalamidad

Kinumpirma ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner na sa ngayon ay bumubuo na sila ng bagong programa para sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) bilang paghahanda sa sandaling maisabatas ang proposed Mandatory ROTC sa kolehiyo.

Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments, nilinaw ni Brawner na hindi na lamang puro martsa at kaunting pag-assemble ng firearms ang ituturo sa ROTC at sa halip ay magkakaroon ng specific program ang bawat estudyante depende sa kanilang kurso.

Inihalimbawa ng heneral ang mga naka-enrol sa medical field ay hindi kinakailangang magtraining bilang foot soldier kundi sesentro ang kanilang programa sa medisina dahil sa panahon ng giyera ay kailangan ang kanilang serbisyo bilang mga medics, doktor at nurse.

Ang mga engineering students naman ay sasanayin bilang combat engineers para tumulong sa pagtatayo ng iba’t ibang imprastraktura tulad ng tulay, paaralan at iba pang pasilidad.

Samantala, lusot na sa Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Brawner sa kanyang ranggo bilang full pledge general at bilang AFP chief of staff gayundin ang promosyon ng 29 pang opisyal ng AFP.

Si Brawner ang unang chief of staff ng AFP na mabibigyan ng tatlong taong fixed term na tatagal hanggang 2026. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author