Pinag-aaralan ng Pilipinas na magsagawa ng aerial missions para sa resupply sa BRP Sierra Madre, ang military outpost ng bansa sa Ayungin Shoal.
Ito, ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, ay upang maiwasan ang mga agresibong hakbang ng China, gaya ng paggamit ng water cannons.
Inihayag ni Malaya na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang adjustments, kasunod ng pinakahuling pambobomba ng tubig ng China sa mga barko ng Pilipinas na nasa resupply mission sa Ayungin noong nakaraang Martes.
Sinabi ng NSC official na magkakaroon ng operational mix, kung saan bukod sa naval resupply ay posible rin ang air drop, para mahatiran ng supply ang mga sundalong naka-destino sa BRP Sierra Madre.