Pananatilihin ng administrasyong Marcos ang mga istratehiya sa pagpapababa ng inflation rate o paggalaw ng presyo ng mga bilihin.
Ito ay matapos maitala ang 1.9% inflation rate para sa buwan ng Setyembre, na pinaka-mababa simula noong Mayo 2020.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang pagsadsad ng inflation ay resulta ng mga programa at kampanya ng gobyerno upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga bilihin.
Kaugnay dito, palalakasin pa ang produksyon ng pagkain habang sinisiguro rin ang napapanahong pag-iimport upang mapunan ang mga kakulangan sa suplay, upang maiwasan ang pag-manipula sa mga presyo at stocks.
Masigasig ding magbabantay ang pamahalaan sa presyo ng mga produkto sa harap ng papalapit na Christmas season. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News