Inaprubahan na ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Bilang dating Kongresista, hindi na nagtanong pa kay Teodoro ang 12 miyembro ng Kamara na bahagi ng CA-Committee on National Defense at nagpahayag ng tiwala at kumpiyansa sa kakayahan ni Teodoro bilang kalihim ng DND.
Pangunahin namang naitanong kay Teodoro ang isyu ng reporma sa pension system ng Military and Uniformed Personnel (MUP).
Ayon sa kalihim, bagama’t ipinauubaya niya sa Kongreso ang pagbalangkas ng bagong pension system, iginiit ng opisyal na dapat balansehin sa usaping pinansyal ang kapakanan at morale ng mga sundalo.
Iminungkahi ni Teodoro na bumuo ang AFP ng sarili nilang trust fund para sa pension ng mga sundalo na magmumula sa share ng AFP sa BCDA na sa ngayon ay nakalaan sa modernization program.
Nagsisikap na rin aniya ngayon ang AFP at DENR na malinis ang lahat ng titulo ng mga lupain AFP at DND para maging seed capital ng bubuuing retirement trust fund.
Kasabay nito, umapela rin ang kalihim na isama sa binubuong batas ng kongreso na ma-dissolve o buwagin ang Retirement and Separation Benefits System upang magamit ang assets nito at mailipat sa bubuuing retirement fund.
Dapat anyang alagaan ang mga sundalo at bigyan sila ng nararapat na benepisyo para hindi maakit na lumipat at magtrabaho sa pribadong sektor. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News