Inamin ni National Irrigation Administration (NIA) Acting Administrator Eduardo Guillen na may korapsyon sa ahensya.
Ito ay makaraang ilang beses na tanungin ni Senador Raffy Tulfo si Guillen kung naniniwala siyang may katiwalian sa loob ng NIA.
Unang sinagot ni Guillen na lahat naman ng organisasyon kahit sa abroad ay may korapsyon na hindi naman nagustuhan ng senador dahil NIA lamang ang kanyang tinatanong at hindi dapat idamay ang ibang organisasyon.
Binigyang-diin pa ni Tulfo na ang tanging pagkakataon lang na mareresolba ang problema sa NIA ay kung tatanggapin na may korapsyon sa ahensya.
Ayon kay Guillen, may ‘lapses’ sa loob ng ahensya pero agad itong binara ni Tulfo at sinabing magkaibang usapin ang ‘lapses’ at ‘corruption’.
Hinamon pa ni Tulfo si Guillen na aminin na niyang mayroon talagang katiwalian para mabigyan ito ng solusyon at masampahan na ng kaso ang mga dapat na mapanagot.
Kaya naman inamin na rin ni Guillen na mayroong korapsyon sa kanyang ahensya at nangako na aayusin ang sistema para matugunan ang mga problema. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News