Nagbigay ng direktiba si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang repasuhin ang kasalukuyang guidelines sa pagbibigay ng accreditation sa mga volunteer fire brigade.
Kaugnay ito sa nangyaring aksidente sa Tondo nitong Lunes kung saan isang 62-taong gulang na ginang ang namatay habang walo ang sugatan matapos masagasaan ng isang rumerespondeng volunteer fire truck.
Ayon kay Abalos, kailangan tutukan ang pagpapatupad ng qualification standards sa lahat ng volunteer firefighters at mga driver ng fire truck.
Kailangan aniyang matiyak na walang anumang record ang mga magmamaneho ng fire truck sa reckless driving.
Inirekomenda rin nito ang pagsasailalim sa drug test at neuropsychiatric exams ng mga fire truck driver para masigurong sila ay nasa maayos na kondisyon.
Bukod sa mga driver, pinatitiyak din ng kalihim na ‘mechanically safe’ at akma sa operasyon ang mga firetruck ng volunteer fire brigades. –sa ulat ni Jay de Castro, DZME News