Tamang hakbang ang pasya ng Secretariat ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na i-hold muna ang transmission sa senado ng House Bill 9349 o Absolute Divorce Act dahil sa kuwestiyon sa bilangan ng boto.
Ayon kay Manila Rep. Benny Abante Jr. dapat na maghinay-hinay muna ang pro-divorce legislators sa pagsasabing magiging ganap na itong batas.
Aniya, ang deferment ng transmission ng HB 9349 ay para magkaroon ng pagkakataon ang mga kumontra dito na maayos ang kuwestyon sa nangyaring botohan.
Noong May 22, 2024 isinalang sa 3rd and final reading ang HB 9349 at lumabas sa botohan na 126 ang pumabor, 109 ang kumontra, habang 20 ang nag-abstain.
Sinabi rin ni Cagayan de Oro City Cong. Rufus Rodriguez at CIAC Partylist Rep/Bro. Eddie Villanueva, na bigong makuha ng Divorce Bill ang required votes para pumasa ito sa 3rd and final reading.
Si Abante na kontra sa absolute divorce measure ay author naman ng House Bill 10488 o ang Expanded Dissolution of marriage Act of 2024.