dzme1530.ph

Abogado ni Ex-BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag, nagtungo sa CA para kwestyunin ang desisyon ng DOJ kaugnay sa Percy Lapid killing

Naghain ng petisyon sa Court of Appeals ang mga abogado ni dating BuCor Director General Gerald Bantag para ipabasura ang kasong murder na isinampa laban sa dating opisyal.

Sa inihain na petisyon na may petsa na July 10, hiniling ni Bantag sa CA na ipawalang bisa ang warrant of arrest at kasong double murder laban sa kanya.

Ang dating BuCor Chief ang sinasabing mastermind sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid at middleman na si Jun Globa Villamor.

Ayon sa kanyang mga abogado, nagkaroon umano ng pang-aabuso ang Department of Justice sa kapangyarihan nito matapos sabihin na may mabigat na ebidensya laban sa kay Bantag.

Hanggang ngayon, bigo pa rin anila ang DOJ na patunayan sa korte ang direktang kinalaman ni Bantag sa naturang kaso.

Puro hearsay lamang din umano ng mga lider ng gang sa loob ng New Bilibid Prison ang pinanghahawakan ng DOJ laban sa nagtatago na mga killer. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author