![]()
Posibleng mas mababa sa ipinapanukalang ₱6.793 trilyon na national budget ang maaprubahan ng Senado, kasunod ng mga natuklasang iregularidad sa ilang proyekto ng gobyerno.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, bagama’t ipinaliwanag nitong dedepende pa rin ito sa magiging desisyon ng mayorya ng mga senador.
Sinabi ni Gatchalian na titimbangin nila ang magiging epekto ng pagbabawas sa budget, kasabay ng pahayag na isa sa mga positibong idudulot nito ay ang pagbaba ng budget deficit.
Gayunman, aminado ang senador na nakapanghihinayang ang mga pondong masasayang, na maaari sanang magamit sa mga makabuluhang proyekto at programa ng pamahalaan.
Ngayong araw, magsisimula na ang Technical Working Group ng Senate Committee on Finance na ilapat ang mga posibleng pagbabago sa panukalang budget, alinsunod sa mga lumitaw na isyu sa mga pagdinig.
