Ipinanukala ni Cagayan De Oro Rep. Lordan Suan sa mababang kapulungan ang mas mahabang validity period ng motor vehicle registration.
Target ng isinusulong na House Bill 8438 o ang Extended Motor Vehicle Registration Act na palawigin hanggang 5 taon ang validity period ng Certificates of Registration ng mga brand new na motor vehicle at tatlong taon naman para sa mga motorsiklo.
Para sa mga mahigit limang taon hanggang pitong taong gulang na sasakyan, ang validity period ay magiging tatlong taon na lamang; para sa walo at siyam na taong gulang ay dalawang taon; at para sa 10 taon o higit pa ay taun-taon na ang pagpaparehistro.
Habang para naman sa motorsiklo, ang mahigit tatlo hanggang pitong taon ang registration validity ay magiging dalawang taon na lamang at para naman sa walong taon o higit pa ay taun-taon.
Ayon kay Suan, layon din ng panukala na mabawasan ang pumupunta sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) taun-taon para lamang magparehistro ng sasakyan.
Matatandaang sa kasalukuyan, maliban sa mga brand new na mayroong tatlong taong validity period, ang pagrerehistro ng mga sasakyan ay ginagawa taun-taon. —sa panulat ni Jam Tarrayo