dzme1530.ph

Posibleng pananatili ng libu-libong Afghans sa bansa, tinatalakay na sa Senado

Binubusisi na ngayon ng Senate Committee on Foreign Relations sa pangunguna ni Senador Imee Marcos ang sinasabing kahilingan ng Estados Unidos para sa temporary shelter ng mga Afghans habang pinoproseso ang kanilang US special immigrant visa.

Sa pagsisimula ng pagdinig, sinabi ni Marcos na nais nilang matukoy ang detalye ng kasunduan at kung hanggang saan ang magiging obligasyon ng Pilipinas sa mga Afghans.

Sa panig naman ni Senador Jinggoy estrada sinabi nito na malaking katanungan sa kanya kung bakit magkakaloob ang bansa ng temporary shelter sa mga dayuhan gayung nasa 6.5-M ang housing backlog ng bansa.

Sa pagtatanong ni Marcos, kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na mayroong formal request ang US para sa temporary shelter na isinumite noong October 2022.

Gayunman, nilinaw nito na hindi pa napag-uusapan ang detalye ng kahilingan bagamat may mga inisyal na silang impormasyon.

Sa inisyal na pag-uusap anya aabot sa 60,000 na Afghans ang posibleng magtungo sa bansa para sa proseso ng kanilang visa.

Kabilang sa unang pinag-uusapan ay posibleng by batch ang kanilang dating kung saan nasa 1,000 Afghans sa loob ng isang buwan ang maaaring pansamantalang manatili sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author