dzme1530.ph

Sen. Bato, ‘di apektado sa survey na mayorya na Catholic school students ang tutol sa ROTC

Hindi apektado si Senador Ronald dela Rosa sa resulta ng survey ng Catholic Educators Association of the Philippines (CEAP) na karamihan sa mga estudyante ay tutol sa pagbabalik ng Mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC).

Binigyang-diin ni dela Rosa na ang pagdipensa sa bansa ay hindi opsyon at sa halip ay constitutional duty ng bawat mamamayan nito.

Kaya naman, wala na anyang pangangailangan na kumbinsihin pa ang mga unpatriotic o mga hindi makabansang indibidwal na suportahan ang hakbanging ibalik ang Mandatory ROTC.

Sa survey ng CEAP, lumitaw na 53% ng Catholic school student respondents ang tutol sa panukala habang 28% ang pabor at 19% ang undecided.

Taliwas naman ito sa naunang survey ng Pulse Asia na nagsasaad na 78% ng respondents ang pabor habang 13% ang tutol at 8% ang hindi pa masabi kung suportado o hindi ang ROTC sa kolehiyo.

Matatandaang inilatag na ni dela Rosa sa Senado ang panukala at sa pagbabalik sesyon ay inaasahang pagdedebatehan na ito.

Una nang sinabi ni dela Rosa na posibleng bago matapos ang taon ay maisabatas na ang mandatory ROTC sa kolehiyo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author