Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na huwag basta-basta maglabas ng pera para sa pagpapaabot ng tulong sa mga apektado ng pag-aalboroto ng bulkang Mayon sa Albay.
Sa ambush interview sa isang event sa BGC Taguig, inihayag ng pangulo na dapat pa ring mapag-aralang mabuti at matukoy ang mga problemang nangangailangan ng pondo upang matugunan ang mga ito.
Kasabay nito’y iginiit ni Marcos na hindi lamang pera ang tulong na kailangan ng naapektuhan, dahil dapat ding tugunan ang pagkaka-tengga ng pag-aaral ng mga bata.
Mahalaga ring tutukan ang kanilang mental health gayundin ng kanilang mga magulang.
Sa kabila nito, tiniyak ni Marcos na ibibigay nila ang lahat ng makikitang kina-kailangang pondo at tulong.
Siniguro rin nito na may naipamimigay silang mga pagkain at hygiene kits sa mga apektadong residente.
Matatandaang sinabi ni Albay Gov. Edcel Greco Lagman na nangangailangan ang kanilang lalawigan ng P166.7-M mula sa national government upang matiyak ang pagpapatuloy ng tulong sa libu-libong apektadong residente. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News