Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na milyung-milyong trabaho ang malilikha ng inilunsad na Philippine Export Development Plan (PEDP) 2023-2028.
Sa International Trade Forum sa Shangri-La the Fort Bonifacio Global City sa Taguig, tinanggap ng pangulo ang statement of commitment sa implementasyon ng Philippine Export Development Plan.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na sa pagpapalakas ng exports, maia-angat ang export industry bilang isang mahalagang economic engine na magbubunga ng high-quality at sustainable jobs.
Kaugnay dito, nanawagan si Marcos sa pribadong sektor at sa lahat ng nasa pag-eexport na patuloy na i-invest ang kanilang enerhiya at resources sa industriya.
Matatandaang layunin ng PEDP na aksyunan ang mga balakid sa produksyon at palakasin ang exports mula sa mga tinukoy na priority clusters.
Bukod sa PEDP ay binanggit din sa event ang developments kaugnay ng Regional Comprehensive Economic Partnership. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News