Nagbabala ang PHIVOLCS na posibleng maglabas ng “more vigorous” o mas malakas na uri ng pagsabog ang bulkang mayon sa Albay.
Sinabi ni Paul Alanis, resident volcanologist sa Mayon Volcano Observatory, na posibleng maging bayolente ang bulkan na patuloy sa tahimik na paglalabas ng lava.
Inihayag ni Alanis na sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang PHIVOLCS ng 309 rockfall events at pitong volcanic earthquakes sa Mayon.
Naglabas din aniya ang bulkan ng 149 tons ng sulfur dioxide na mas mababa kumpara sa average na 500 per day.
Ipinaliwanag ni Alanis na ang mga pagputok ng bulkan ay pinalalakas ng gas pressure na may halong magma o underground molten rocks. —sa panulat ni Lea Soriano