Humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ma-delay ng tatlong oras ang kanyang event sa South Cotabato.
Ito ay kasunod ng naranasang technical issue ng eroplanong unang sinakyan ng pangulo, na dahilan para mapilitan itong bumalik sa Villamor Airbase sa Pasay City para lumipat sa ibang eroplano.
Sa talumpati sa paglulunsad ng South Cotabato Consolidated Rice Production and Mechanization, humingi ng dispensa ang pangulo sa mga taga-South Cotabato dahil naghintay sila ng ilang oras.
Sinabi naman ni Marcos na nangako si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr. na magpapakain ito sa mga ginutom na manunuod.
Matatandaang mula sa orihinal na schedule na alas-9:00 ng umaga, bandang alas-12:00 na ng tanghali nagsimula ang programa sa South Cotabato dahil sa aberya. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News