dzme1530.ph

Evacuation ng mga Pinoy sa Taiwan, iprayoridad sa halip na temporary shelter sa Afghan refugees

Inirekomenda ni Senador Imee Marcos sa gobyerno na unahin ang pagkumpleto sa evacuation para sa mga Pinoy migrant workers sa Taiwan sa halip na pagbigyan ang hirit ng Estados Unidos na temporary shelter ng Afghan refugees sa Pilipinas.

Sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations na dapat iprayoridad ang evacuation plan at maging ang humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng Estados Unidos sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa ngayon, batay sa impormasyon ng senadora, naghahanda na ng evacuation plan para sa mga Amerikano sa Taiwan ang US, gayundin ang Indonesia para sa kanilang nasa 350,000 migrant workers.

Kaya ang tanong ng senadora ay kung may preparasyon na rin ang gobyerno ng Pilipinas o nakikisimpatya lamang tayo.

Duda rin si Marcos sa sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon nang naikasang komprehensibong evacuation plan para sa 150,000 Pinoy domestic workers, mga caregiver, mga factory employees, at mga fishermen na nasa Taiwan.

Ito ay sa sandaling simulan nang sakupin ng China ang itinuturing nilang renegade province o ayaw pasakop na lalawigan.

Sinabi ng mambabatas na dapat detalyado kung saan at paano titipunin ang mga ililikas na OFWs sa Taiwan, anong flight o ruta ng barko ang ligtas para malampasan ang anumang military blockade, anong sasakyan ang gagamitin, saan sila dadaong at gaano kadalas silang ipadadala para matiyak na mabilis at ligtas na maililikas ang mga Pinoy. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author