Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang water resources management office ng Department of Environment and Natural Resources, na bumuo ng plano upang ma-protektahan ang Metro Manila at coastal communities mula sa matinding pagbaha.
Ito ay sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Sa briefing sa Malakanyang kaugnay ng flood control programs, kabilang sa ini-utos ng pangulo ang pagtatayo ng water impounding facilities o mga imbakan ng tubig upang makatulong sa water supply ng bansa.
Kaugnay dito, humahanap na umano ang gobyerno ng mga lokasyon sa labas ng NCR na maaaring paglagyan ng malalaking impounding areas upang maiwasan ang pagbaha, at para hindi rin masayang ang floodwater na maaari pang magamit sa agrikultura at iba pa.
Samantala, pinag-aaralan din ang pagdaragdag ng mga dike, spillways, at pumping stations.
Pinag-usapan din ang nagpapatuloy na flood control projects sa Pampanga, Cavite, Leyte, at Cagayan De Oro City, at pagtatayo ng access roads sa irrigation areas na tutukuyin ng National Irrigation Administration sa ilalim ng Katubigan Program. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News