Pina-plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng cash assistance ang mga pamilyang apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, layunin nitong mabigyan ang mga indibidwal ng “right to choose” o kakayanang mamili ng mga produktong kina-kailangan ng kanilang pamilya.
Magagamit din itong pambili ng iba pang pangangangailangan na wala sa family food packs, tulad ng gatas para sa matatanda at mga bata.
Sakaling matuloy, ang pondo ay kukunin sa assistance to Individuals In Crisis Situation (AICS) program ng ahensya.
Samantala, sa press briefing sa Malakanyang ay sinabi ni Gatchalian na nasa 38,000 family food packs na ang naipaabot sa mga apektadong lokal na pamahalaan.
Tiniyak din ng kalihim na masusing nakatutok si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sitwasyon. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News