Nais ni Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa na mabawasan ng kalahati ang child stunting rate o pagka-bansot ng mga bata sa bansa, sa ilalim ng Food Stamp Program.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Herbosa na malabong makamit ang zero stunting rate dahil may mga lugar pa rin na hirap mapaabutan ng tulong.
Iginiit naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na hindi malulutas ang stunting sa isang gabi lamang, ngunit maaari nang simulan ang mga solusyon dito.
Ipinaliwanag pa ng DSWD Chief na bukod sa kakulangan sa pagkain ay may iba pang nakaa-apekto sa nutrisyon tulad ng kawalan ng wash facilities na nagdudulot ng mga sakit tulad ng diarrhea.
Tinukoy din ang kakulangan ng day care centers.
Kaugnay dito, binigyang diin ng kalihim na kailangang pagsama-samahin ang mga programa para sa nutrisyon tulad ng Food Stamp Program, School Feeding Programs, at gayundin ang Teenage Pregnancy Intervention Programs.
Batay sa DOH, nasa 21.6% ang stunting rate para sa mga batang Pilipino edad 23 months old pababa, at 28.7% sa mga edad lima pababa. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News