Nagbigay ng paalala ang Manila Police District (MPD) sa mga magsasagawa ng kilos protesta sa Maynila na huwag maging pasaway at sumunod sa mga inilatag na patakaran kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Pakiusap ni MPD Dir. Police Brig. Gen. ANDRE Dizon sa mga magkikilos protesta na huwag babuyin ang paligid ng Maynila at huwag sanang maging dahilan ng pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga ito.
Aniya, iwasan din sanang magkagulo upang maging maayos ang mga ikakasa nilang protesta habang nakabantay ang mga otoridad.
Gayunman, siniguro ng MPD na may naka-deploy na silang 1,300 na tauhan upang magbantay at siguruhin ang seguridad sa pagdarausan ng mga programa at aktibidad na may kaugnayan sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Pinapayuhan rin ni Dizon ang mga motorista na maghanap ng mga altenatibong ruta lalo na’t sarado ang ilang mga kalsada malapit sa Luneta. —sa panulat ni Jam Tarrayo