dzme1530.ph

Libreng sine at film festival tuwing Setyembre, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkakaloob ng libreng sine at pagdaraos ng film festival tuwing buwan ng Setyembre bilang bahagi ng Buwan ng Pelikulang Pilipino para mapasigla ang lokal na industriya ng pelikula.

Sinabi ni Estrada na layun ng kanyang Senate Bill 2250 na mapalago ang lokal na industriya at mapalawak ang isang bahagi ng creative economy bukod pa sa pagtataas ng pamantayan at kalidad ng mga pelikulang Pilipino kapantay ng pinakamahusay sa mundo.

Sinabi ng mambabatas, na isa ring aktor at producer ng pelikula, na ang kanyang panukalang Buwan ng Pelikulang Pilipino Act ay naglalayon din na mapanatili ang kultura at legasiya ng mga lokal na pelikula at ipamalas ang Filipino talents sa ibang bansa.

Iminungkahi ni Estrada na imandato sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdaraos ng film festival na tatawaging “Pista ng Pelikulang Pilipino” para sa isang linggong eksklusibong pagpapalabas sa lahat ng regular na sinehan at streaming websites o platforms na nasa ilalim ng pangangasiwa ng ahensya.

Magkakaroon din ng libreng pagpapalabas ng mga klasikong pelikulang Pilipino at mga internationally acclaimed short o feature-length movies sa mga teatro at iba pang katulad na venue na nasa pamamahala ng gobyerno kabilang ang FDCP, Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author