dzme1530.ph

Kautusan para sa pagtatakda ng Oral Argument sa territorial dispute ng Taguig at Makati City, pinabulaanan ng SC

Pinabulaanan ng Supreme Court na may kautusan na para sa pagtatakda ng oral argument kaugnay sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig City at Makati City.

Ayon kay SC Spokesman Atty. Brian Keith, walang siyang alam na may inilabas nang schedule ang Korte Suprema.

Depensa pa nito, sakali man at may ganitong kautusan, ilalabas ito sa website at social media account ng Kataas-Tasang Hukuman.

Una nang sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na may natanggap nang dokumento ang Makati City Legal Office na nagtatakda ng oral argument kaugnay sa territorial dispute.

Para sa alkalde ng Makati, hindi pa pinal ang utos ng Korte Suprema na iginagawad sa Taguig City ang pagmamay-ari sa Bonifacio Global City at 9 na barangay dahil sa may pending pa itong Omnibus Motion.

Nang tanungin naman si Binay kung kailan ang petsa ng oral argument base sa dokumentong natanggap nila, ay hindi nito nasagot sa katwirang naka-break ang Korte Suprema.

Sa panig naman ng Taguig LGU wala umano silang natatanggap na abiso mula sa Supreme Court para sa oral argument.

Matatandaan na nitong Abril ibinasura ng Supreme Court ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling para iakyat ang territorial dispute case sa SC En Banc para sa isang oral argument. — sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author