Mayroon ng abogadong magtatanggol sa mga mamamahayag na makakasuhan ng libelo.
Kasunod ito nang pagpayag ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na hawakan ang mga kasong libelo laban sa mga kagawad ng media.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez, ito ang napagkasunduan sa pulong sa pagitan ng PTFoMS at PAO Chief Acosta kasama ang forensic laboratory division chief, Dr. Erwin Erfe.
Batid aniya ng PAO chief na isa ring kolumnista at respetadong media personality, ang hirap na kalagayan ng mga media practitioner lalo na ang mga nasa lalawigan na nangangailangan ng legal assistance at guidance kapag naharap sa kasong libelo.
Sinabi ni Gutierrez na suportado rin ng PAO Chief ang mga programa ng PTFoMS sa pagsasagawa ng serye ng ‘awareness campaign’ sa hanay ng media sa buong bansa.
Layon aniya ng naturang programa na paalalahanan ang mga mamamahayag kung paano mag-ingat sa oras ng tungkulin bilang tagapangalap ng balita at totoong impormasyon, tagapagsulong ng responsableng pamamahayag, paggalang sa batas at pag-iwas sa mga kasong libelo.
Kaugnay nito, binabalangkas na ang Memorandum of Agreement na lalagdaan ng PTFoMS at PAO. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News