dzme1530.ph

Oman, UAE, nangangailangan ng higit 1k Pinoy workers

Mas maraming oportunidad na trabaho ang naghihintay sa mga Filipino sa Oman at United Arab Emirates sa susunod na buwan.

Ito ang inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos ang pakikipag-usap nito sa mga senior labor officials mula sa mga nasabing bansa.

Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na nais ng mga opisyal ng Oman na lumikha ng kauna-unahang Bilateral Labor Agreement ang Pilipinas sa Oman.

Ang interes anya ng Oman na magkaroon ng joint committee meeting at mapag-usapan ang terms and conditions ng kontrata.

Dagdag pa ni Ople may ginagawa silang tatlong free zone kaya mangangailangan sila ng maraming workers mula sa Pilipinas.

Bagamat walang binanggit sa una nilang paghaharap kung ilan ang kakailanganing mangagawang Pinoy, maaari aniyang umabot ito sa higit 1,000.

Naghahanap din ang mga opisyal ng UAE ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng business-to-business ventures at government-to-government programs.

Ipinaliwanag ni Ople na ang hakbang na magdala ng mga Pilipinong mamumuhunan ay bahagi ng Economic Diversification Program ng bansa. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author