Nanganganib na makansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine passport ng isang Pinay worker sa Hong Kong dahil sa kasong qualified theft sa Pilipinas.
Sa isang kautusang inilabas noong Mayo a-31, kung saan nakuha ng HK News ang kopya nito, sinabi ni Las Piñas City Regional Trial Court Branch 24 Presiding Judge Harold Huliganga na paulit-ulit na nabigo ang akusado na si Marivic Delfon sa nakatakdang pagdinig sa kanyang kaso.
Hindi rin umano nakipag-coordinate ang akusado sa kanyang abogado na si Atty. Nikki Garcia kaugnay sa naturang kaso mula noong arraignment at pre-trial na nag-udyok sa defense team na ipahinga muna kaso.
Ayon kay Public Prosecutor Joseph Jerry Banares, ang akusado ay nasa Hongkong na base na rin sa impormasyon mula sa reklamo at sa mosyon na ipinasa mismo ni Delfon.
Dahil dito, isinangguni na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang kaso para sa pagsasagawa ng mga paglilitis sa pagkansela ng pasaporte ng akusado.
Matatandaang si Delfon ay may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong qualified theft dahil sa umano’y pagnanakaw ng P1,086,000 halaga ng mga alahas at isang Fendi bag ng dating amo na si Georgia Remulla. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News