Nakumpiska ng BOC-Port of Clark, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Elvira Cruz ang 1,514 gramo ng high grade marijuana o kush marijuana na nagkakahalaga ng P2,498,100.00 sa isang shipment na idineklara bilang “denim jeans”.
Una ay na-tag ito bilang kahina-hinala ng X-ray Inspection Project (XIP), bago isailalim sa K9 sniffing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 Unit kung saan ito nakumpirma na naglalaman ng mga mapanganib na droga.
Agad na isinagawa ang physical examination ng nakatalagang customs examiner sa harap ng media at barangay kasama ang mga kinatawan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Enforcement and Security Service, Customs Intelligence and Investigation Service, XIP, at PDEA.
Ang pagsusuri ay humantong sa pagkatuklas ng tatlong jog sealed bag na naglalaman ng mga tuyong dahon at fruiting tops.
Dinala ang mga sample sa PDEA chemical laboratory analysis, at nakumpirma na ito ay tetrahydro-cannabinol o marijuana, na isang mapanganib na gamot.
Samantala, isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu naman ni District Collector Cruz, laban sa shipment para sa paglabag sa Section 118 o ng Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa RA No. 9165. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News