Nag-preposition na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 200,000 family food packs sa harap ng tumataas na namang aktibidad ng bulkang Taal at bulkang Mayon.
Inatasan na ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang kanilang field offices sa CALABARZON at Bicol region na maghanda ng tig-100,000 family food packs.
Siniguro rin ni Gatchalian na handa silang tumulong sa mga lokal na pamahalaan kapag lumala ang sitwasyon.
Kaugnay dito, inactivate na ng DSWD Field Office Region 5 ang kanilang quick response team, at binisita na rin ang warehouse ng food packs sa Camalig at Legazpi City, Albay, gayundin ang evacuation centers sa Guinobatan, Camalig, at Daraga.
Matatandaang tumaas ang sulfur dioxide emission o paglalabas ng asupre ng bulkang Taal, habang itinaas naman sa alert level 2 ang sitwasyon sa bulkang Mayon dahil sa pagdalas ng rock falls o pagpatak ng mga bato. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News