Umapela si Senador Risa Hontiveros sa mga mambabatas at sa publiko na buksan ang pang-unawa sa isinusulong nitong Anti-Discrimination bill sa mga miyembro ng LGBTQIA plus community o ang SOGIE bill.
Ginawa ni Hontiveros ang apela kasunod ng pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi prayoridad ng Senado ang pagtalakay sa SOGIE bill.
Ipinaliwanag ng senadora na isinusulong niya ang panukala upang matiyak ang pagkakapantay-pantay ng pagtrato sa bansa lalo na’t palagi anyang nakararanas ng diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBTQIA plus community.
Iginiit ng mambabatas na gumaganda na ang komunidad sa pagbibigay espasyo sa kababaihan na mas maganda rin anyang gawin para sa LGBTQIA plus upang maging ganap ang pag-iral ng equality.
Binigyang-diin ni Hontiveros na praktikal lamang naman ang layunin ng panukala at nais lamang na isulong ang social protection para sa lahat. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News