Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa humanitarian efforts ng Federation of Filipino – Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FF-CCCII), noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa oath taking sa Malakanyang ng bagong officers ng FF-CCCII, inihayag ng pangulo na ang Filipino-Chinese community ang naging daan sa pagkakaroon ng bansa ng kauna-unahang suplay ng COVID-19 vaccines mula China, o ang Sinovac vaccines.
Ito umano ang naghudyat sa pag-uumpisa ng vaccination sa Pilipinas, kaya’t hindi umano makakalimutan ng taumbayan ang napakalaki nilang tulong.
Matatandaang noong Pebrero 2021 ay dumating sa bansa ang unang batch ng Sinovac vaccines, na ginamit sa kauna-unahang vaccination roll-out sa Pilipinas.
Samantala, nagpasalamat din ang pangulo para sa iba pang high-impact socio-civic projects ng FF-CCCII na nakatulong sa mga komunidad at sa mamamayang Pilipino. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News