Patuloy pa rin na nag-iimbestiga ang Philippine Coast Guard (PCG) Station Batangas, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police para hanapin ang hindi kilalang sasakyang pandagat na umano’y tumama sa F/B “Ron Kirby 4”.
Ito’y kaugnay ng ginawang pagtugon ng PCG sa isang maritime incident na kinasasangkutan ng isang fishing vessel na umano’y nabangga ng isa pang barko, sa Cabra Island, Occidental Mindoro, kahapon.
Batay sa inisyal na impormasyon ng PCG, lumilitaw na bandang alas-4:15 ng umaga, ay naka-angkla ang barkong pangisda na “Ron Kirby 4” sa paligid ng Cabra Island habang kasalukuyang nangingisda nang mangyari ang insidente.
Ang banggaan ay nagresulta sa pagkasira ng outrigger ng nasabing fishing vessel.
Habang ang lahat naman ng 40 crew-member ng fishing vessel, ay nailigtas at nasa maayos naming kalagayan at naihatid na rin ng BRP Bagacay patungong Calatagan Port sa Batangas. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News