Kinumpirma ni Senate Majority leader Joel Villanueva na 10 taon at hindi 20 taon ang susunding prescriptive period para sa mga krimen sa ilalim ng Maharlika Investment Fund Bill.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Villanueva na sumulat na rin ang author at sponsor ng MIF Bill na si Senador Mark Villar kay Senate President Juan Miguel Zubiri upang maisaayos ang Section 50 at 51 ng panukala bago ito isumite sa Malakanyang.
Inalmahan naman ni Villanueva ang mga pahayag na minadali ang panukala kaya’t nagkaroon ng pagkakamali sa pagbuo nito.
Binigyang-diin ng senador na tao lamang din ang mga senador at inabot na sila ng madaling araw habang nasa gitna ng period of amendments bago naipasa ang MIF Bill.
Iginiit pa nito na sadya namang nangyayari ang typographical errors gayundin ang pagkakamali sa numero sa mga inaaprubahang panukala kaya trabaho anya ng Senate at House Secretariat na magsagawa ng ‘perfecting amendments’ o pagwawasto sa lalamanin ng bill bago maging enrolled bill.
Nangako ang mambabatas na titiyakin nila na ang napagkasunduan sa plenaryo ang masasalamin sa magiging enrolled bill ng Maharlika fund.
Tiniyak din ni Villanueva na ang pagtatama na gagawin ng Secretariat ay bahagi ng rules ng Kongreso. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News