Nilinaw ni Senate Majority leader Joel Villanueva na bagama’t ipinagbabawal na mamuhuan ang GSIS, SSS at iba pang GOCC sa Maharlika Fund, hindi naman mapipigilan ang mga ahensya na maglagak ng puhunan sa mga proyektong papasukan din ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Ipinaliwanag ni Villanueva na malinaw na nakasaad sa Sections 6 at 12 ng panukala na hindi maaaring gamitin ang pension fund ng SSS, GSIS, OWWA, Pag-ibig, Philhealth at PVAO bilang capital o dagdag puhunan sa Maharlika Investment Corporation.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na ang mga ahensyang ito ay mayroon ding sariling paraan ng pagsusuri kaugnay sa mga papasuking investment, kaya naman hindi babawalan ang mga ito na maglagak ng puhunan sa mga proyektong papasukin ng MIC kung sa tingin nila ay kikita ito.
Binanggit ni Villanueva na may MIC man o wala, matagal nang nag-iinvest ang GSIS at SSS sa mga iba’t ibang mga proyekto upang kumita ang pension funds ng kanilang mga miyembro.
Ang malinaw anya ay hindi direktang papasok ang mga ahensyang ito sa MIC at sila mismo bilang individual investor ang mamumuhan sa mga proyektong nais pasukan.
Kasabay nito, tiniyak ni Villanueva na malinaw din sa deliberasyon sa MIF na ang lahat ng papasukang proyekto ng MIC ay aprubadong viable ng National Economic and Development Auhtority (NEDA) at iba pang approving agencies. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News