Tiwala si Senador Christopher ‘Bong’ Go na pinag-aaralan nang mabuti ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na ibalik ang dating school calendar.
Sa impormasyon ng senador, mayroon nang grupo ng mga eksperto mula sa DepEd ang nagsasagawa ng pag-aaral kung mas epektibong ibalik sa June to March ang pasukan.
Inihayag ng senador na mas alam ng DepEd officials ang kanilang trabaho sa departamento at kung ano ang makakabuti sa mga mag-aaral.
Gayunman, nanawagan ang mambabatas na bigyang prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante.
Kailangan anyang hindi masasakripisyo ang kalusugan ng kabataan lalo na’t dahil sa matinding init ng panahon.
Kasabay nito, pinatitiyak din ng mambabatas na hindi maisasakripisyo ang kalidad ng edukasyong ibibigay sa bawat mag-aaral. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News