dzme1530.ph

Star Rating System ng publiko sa internet ng mga establisimiyento, ini-rekomenda ng PSAC sa Pangulo

Inilatag ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang digital infrastructure work plans at anim na strategic recommendations kaugnay ng pagsusulong ng digitalization.

Sa digital infrastructure meeting sa Malakanyang, inirekomenda ng PSAC ang connectivity index rating na maihahalintulad sa star rating system ng hotel industry, kung saan makapagbibigay ang publiko ng rating sa internet quality ng mga establisimiyento, batay sa criteria tulad ng infrastructure capacity, internet speed, at iba pa.

Bukod dito, iminungkahi rin ang pag-amyenda sa National Building Code na magtatakda sa connectivity bilang priority sa mga gusali para magamit ng mga residente at negosyo.

Isinulong din ang digital and financial inclusivity, kung saan ipinabatid ng PSAC ang suporta sa Paleng-Qr PH Plus Program na nagtataguyod ng cashless payments sa mga palengke at local transportation tulad ng tricycle.

Samantala, hiniling din ang pagpapabilis ng pag-apruba sa National Cybersecurity Plan 2023-2028 para sa future cybersecurity projects sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor, at gayundin ang Philippine Civil Service Digital Leadership Program para sa mid-level hanggang senior civil servants, at pagpapalakas at pagpapabilis ng Public Financial Management Information Systems sa pamamagitan ng Integrated Digital System. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author