dzme1530.ph

Pagpapanatili ng dagdag alokasyon ng MWSS sa Angat dam sa Hunyo, ipinaliwanag ng NWRB

Umaasa ang National Water Resources Board (NWRB) na may sapat na panahon na Manila Water Sewerage System (MWSS) upang makumpleto ang ginagawang rehabilitasyon at water recovery efforts.

Ayon kay NWRB Exec. Dir. Dr. Sevillo David, ito ang dahilan kung bakit muling inaprubahan ng ahensya ang hirit ng MWSS na panatilihin ang dagdag na alokasyon ng tubig mula sa Angat dam.

Batay sa desisyon ng NWRB, simula ngayong araw, June 1 hanggang 15, mananatili ang 52 cubic meters water allocation ng MWSS sa Angat dam subalit pagsapit ng June 16-30 ay ibababa na ito sa 50 cubic meters habang magkakaroon naman ng 40 cubic meters na alokasyon para sa irigasyon.

Paliwanag ni David, nauunawaan nitong kailangang panatilihin ang dagdag alokasyon upang matiyak na hindi makararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig ang mga customer sa Metro Manila.

Gayunman, nagiging maingat pa rin aniya ang NWRB sa alokasyon ng tubig dahil nananatili ang pangamba na makaapekto sa Angat dam ang nagbabadyang El Niño. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author