dzme1530.ph

120 panukalang batas ni Cong. Erwin Tulfo, nakahanda na

Handa na ang halos 120 panukalang batas na nais isulong ni Cong. Erwin Tulfo bilang bagong upong kinatawan ng ACT-CIS party list.

Matapos silipin sa meeting sa House media ang magiging opisina sa Kamara, inamin nito na karamihan sa panukalang nais niyang isulong ay nakatuon sa poverty alleviation.

Pag-amin ni Tulfo, sa maigsing panahon na umupo siya bilang kalihim ng DSWD, lumawak ang kanyang naging karanasan na dala-dala ngayon sa Kongreso.

Isa sa prayoridad nito ay himukin sa pamamagitan ng batas ang mga pribadong kumpanya na mag-employ ng Person With Disability (PWD) at senior citizen.

Para kay Tulfo, ang 5% workforce na ilalaan ng isang kumpanya sa PWD at senior citizen ay malaking tulong sa sektor na ito.

Maging ang Solo Person Act ay nais din nitong repasuhin dahil nagkaka-problema aniya dito ang mga 5th at 6th class municipalities dahil sa kakulangan ng pondo.

Alinsunod sa Solo Parents Act, ang lahat ng LGU ay obligadong magbigay ng P1,000 subsidy sa mga single parents buwan-buwan. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author