dzme1530.ph

Mga kaso ng ASF sa Bacolod, nakaapekto sa pag-eexport sa ilang bahagi ng bansa

Nakaapekto sa pagpapadala ng baboy sa ilang bahagi ng bansa ang African Swine Fever (ASF) na na-detect at kumakalat sa Bacolod, Negros Occidental.

Ayon kay Provincial Administrator Rayfrando Diaz, may mga natanggap silang ulat na ang ilang mga indibidwal ay kontra sa pagkarga ng mga baboy sa mga barko mula sa lalawigan patungo sa ibang lugar, subalit ipinaalala niya na wala pang official laboratory findings ng presensya ng ASF sa lugar.

Sa datos ng Provincial Veterinary Office (PVO), karagdagang 455 ang mga namatay na baboy sa Negros Occidental kung kaya’t pumalo na sa 7,229 ang kabuuang bilang nito.

Tinataya namang mahigit P93-M ang halaga ng pagkalugi mula sa mga nasawing baboy.

Bagaman nakahahawa at nakamamatay ang ASF, nilinaw ni Diaz na hindi ito naipapasa sa tao.

Sa ngayon, patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaang panlalawigan upang matulungan ang mga magbabababoy sa naturang lugar. —sa panulat ni Airiam Sancho

About The Author