Isa pang suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa katauhan ni Joven Javier, ang bumawi sa kanyang naunang testimonya na nagdidiin kay Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa krimen.
Ayon kay Atty. Danny Villanueva, legal counsel ni Javier, apat na statements ang binawi ng kanyang kliyente.
Kinabibilangan aniya ito ng isa na ginawa nito noong March 5 sa harap ng mga pulis sa Negros Oriental at tatlo sa National Bureau of Investigation sa Maynila.
Sa unang statement ni Javier sa mga pulis, sinabi nito na kasama siya sa unang ni-recruit noong December 22, 2022 kung kailan unang tinangkang ambush-in ang gobernador at tumira sila sa isang safe house na malapit sa ancestral house ng mga Teves.
Sinabi rin ni Villanueva, na dinagdagan ng NBI ang pangalan ng ibang suspek sa affidavit ni Javier na sa una ay mga alyas lamang.
Pumayag aniya ang kanyang kliyente dahil kinumbinsi siya ng NBI na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Idinagdag ni Villanueva na tinortyur din si Javier ng mga otoridad sa Negros Oriental at Maynila.
Si Javier ang panlimang suspek na bumawi ng kanyang naunang testimonya, kasunod nina Osmundo Rivero, Dahniel Lora, Romel Pattaguan at Rogelio Antipolo Jr. —sa panulat ni Lea Soriano